FA-50 fighter jet na binili sa South Korea ang nasangkot sa ikalawang ‘friendly fire incident’ sa Marawi-source

By Jay Dones July 13, 2017 - 04:09 AM

 

Isa umanong FA-50 fighter jet na binili ng Pilipinas sa South Korea kamakailan ang sangkot sa panibagong kaso ng pagkamatay ng ilang tropa ng militar sa Marawi City dulot ng sumablay na airstrike.

Sa pinakahuling insidente, nabagsakan ng bomba ang struktura kung saan nakapwesto ang tropa ng pamahalaan sa Marawi City na ikinasawi ng dalawang sundalo at ikinasugat ng labing-isa pa.

Ayon sa source ng Inquirer, iniimbestigahan na ng AFP ang insidente upang matukoy ang puno’t dulo ng ikalawang kaso ng ‘friendly fire’ incident sa nagaganap na Marawi offensive.

Puna pa ng source, mga ordinaryong bomba lamang ang gamit ng mga fighter jets at hindi mga precision-guided munitions.

Dahil sa panibagong insidente, agad na bumuo ng grupo ang AFP na magsasagawa ng imbestigasyon at upang maiwasang muli itong maulit sa ikatlong pagkakataon.

Matatandaang noong nakaraang buwan, nasawi rin ang labintatlong sundalo nang tamaan ng ibinagsak na bomba ng isang Air Force plane habang nagsasagawa ng opensiba laban sa Maute terror group sa Marawi City.

Sa naturang insidente, pito pang sundalo ang nasugatan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.