Pulis na dawit sa Mayor Espinosa killing, pinababalik sa serbisyo ni Duterte
Ipinababalik na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa trabaho si Supt. Marvin Marcos, ang dating hepe ng CIDG Region 8 na dawit sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa Leyte sub-provincial jail noong November 2016.
Sa kanyang talumpati sa 26th anniversary ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Duterte na dapat nang magbalik-serbisyo si Marcos sa kabila ng kaso nitong homicide.
Kung murder daw ang kaso ni Marcos, sinabi ni Duterte na wala siyang magagawa.
Pero paniwala ng presidente, ginawa lamang ni Marcos ang kanyang trabaho.
Sayang din aniya kung tetengga lamang o walang ginagawa ang nabanggit na police official lalo’t tapos na rin naman umano ang suspensyon nito at patuloy siyang sinuswelduhan.
Sa naturang talumpati rin, muling iginiit ni Duterte na hindi papayag na makulong ang mga sundalo at pulis na ginagawa ang kanilang duty at sumusunod sa kanyang utos.
Samantala, tatalima si Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabalikin na sa trabaho si Supt. Marvin Marcos, ang head ng Criminal Investigation and Detection Group Region 8 na nakapatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Dela Rosa, wala nang dahilan para harangin pa ang pagbabalik ni Marcos at ang labing walong kasamahan nito dahil abswelto naman sila sa kasong administratibo .
Nanghihinayang si Dela Rosa na pinasusweldo si Marcos pero hindi naman nagtatrabaho.
Sinabi pa ni Dela Rosa na mananatili sa CIDG unit si Marcos.
Gayunman, ipinauubaya na ni Dela Rosa sa hepe ng CIDG kung saan sila idedestino.
Hindi rin tinukoy ni Dela Rosa kung kailan eksaktong petsa makababalik sa serbisyo ang grupo ni Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.