Susubukang muli ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtungo sa Marawi City.
Sa kanyang talumpati sa 10th listing anniversary ng Phoenix Petroleum sa Philippine Stock Exchange kahapon, muling binanggit ng presidente na gusto niya talagang pumunta sa siyudad o kahit magpakita man lamang para maiparamdam ang pakikiisa sa tropa ng pamahalaan na nakikipag-bakbakan sa Maute terror group.
Noong huli aniyang tangka niyang pagpunta sa Marawi City, umuulan at hindi makalapag ang kanyang sinasakyang eroplano.
Bukod dito, hindi siya makababa ng mas malapit dahil baka matsambahan siya ng barrett ng caliber 50.
Biro pa ng nito, maski tamaan daw siya sa pwet huwag lamang sa harap, gusto niya talagang pumunta sa Marawi City dahil ayaw umano niyang makarating doon na peaceful o maayos na ang sitwasyon.
Subalit sakaling matutuloy siya sa Marawi City, sinabi ni Duterte na iiwasan niyang mapasubo ang mga sundalo.
Aniya, kahit malayo ng kaunti sa conflict area, gusto niyang magpunta roon at makapag-observe.
Sa naturang okasyon din, sinabi ni Duterte na sa loob ng sampu hanggang labing limang araw ay posibleng ‘okay’ o tapos na ang krisis sa Marawi City.