Kinumpirma ito sa Radyo Inquirer ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol kasunod ng pagdinig sa Committee on Agriculture sa senado kaugnay ng sobra-sobrang pagtaas sa presyo ng bawang.
Sa nasabing pagdinig, iginiit ni Sen. Cynthia Villar na ang sabwatan ng mga agriculture officials at mga abusadong negosyante ang nagpataas sa presyo ng bawang.
Ayon kay Sec. Piñol matagal nang nangyayari ang sabwatan sa pagitan ng mga tiwaling opisyal ng kagawaran at mga cartel.
Aniya, mas pinupursigi ng mga dating opisyal ang pag-aangkat ng imported products dahil mas kumikita sila dito kaysa tulungan ang ating mga magsasaka.
Isa pang paraan ng panggigipit sa mga magsasaka ang kakulangan ng mga “cold storage” na inuupahan ng mga negosyante sa buong taon kahit walang iniimbak na produkto.
Sa pamamagitan nito mapipilitan ang mga magsasaka ng bawang at sibuyas na ibenta ang kanilang produkto sa kawalan ng bodegang pagtataguan.
Totoong may cartel sa bawang – Piñol | https://t.co/XSh8f2ERg2 pic.twitter.com/KxrYF5wqUp
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) July 11, 2017
Sinabi ni Piñol na napabayaan noong nagdaang administrasyon ang usaping ito at ito ang sinosolusyunan ngayon ng DA.
Hindi lang aniya ganoon kadaling tugunan ang problema, gayunman, nangako ang kalihim na sa susunod na limang taon, ay mareresolba na ang problemang ito ng mga local producers ng bawang.