Kahapon ay muling niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang Ormoc City dahilan para suspendihin ngayong araw ang klase doon mula pre-school hanggang high school.
Inatasan din ang Office of the Building Official na magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng gusali ngayong maghapon para matukoy ang panibagong pinsala na naidulot ng malakas na pagyanig kahapon.
Samantala, patuloy ang pagkumpuni ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga linya ng kuryente na nasira dahil sa lindol.
Ang testing kahapon ng NGCP sa kanilang Ormoc substation ay inabot ng gabi dahil sa pahinto-hintong operasyon bunsod ng naranasang pag-ulan at aftershocks.
Ayon sa NGCP, kapag umuulan at nakararanas ng aftershock, kinakailangang agad ihinto ang kanilang operasyon.
Maliban kasi sa delikado ito para sa kanilang linemen, ang mga kinukumuning linya ay mayroong high voltage at sensitibo sa paggalaw at moisture.