IS, hindi pa tuluyang nagagapi ayon sa mga analysts
Tatlong taon makalipas ang pagtatag ni Abu Bakr al-Baghdadi sa Islamic State group, malaki na ang nabawas hindi lang sa mga tauhan nilang terorista, kundi pati na rin sa kanilang mga lugar na nakubkob sa Iraq at Syria.
Dahil sa mga major attacks sa kanila, ngayon ay nagsisimula na ang unti-unting pagguho ng Islamic State group.
Sa Syria, napalibutan at nalusob na ng mga militias na suportado ng Amerika ang Raqqa, habang nabawi naman na ng Iraqi forces ang Mosul.
Gayunman, hindi sapat ang pagkawala ng kanilang kontrol sa dalawang malalaking lungsod para masabing tuluyan nang natalo ang Islamic State.
Ayon kasi sa mga analysts at opisyal sa Amerika at Middle East, bumalik na sa pagiging insurgent force ang IS.
Ngunit ang problema anila dito ay kilala na sa buong mundo ang IS at patuloy na nakakahikayat sa ibang mga attackers sa iba’t ibang mundo ang kanilang ideolohiya.
Ayon kay Hassan Hassan na isang senior sa Tahrir Institute for Middle East Policy sa Washington, nananatili pa rin ang kakayanan ng IS na maibalik ang kanilang pamunuan at muling magpalakas ng pwersa.
Ayon sa mga senior American intelligence and counterterrorism officials, mahigit 60,000 na Ilsmic State fighters na ang napatay mula June 2014, kabilang na ang marami sa kanilang mga pinuno.
Nabawi na rin mula sa kanila ang nasa two-thirds ng kanilang mga kinubkob na teritoryo.
Bagaman marami nang nabawi ang mga otoridad mula sa IS, hindi naman ito nangangahulugan na wala nang mapaglagyan ang mga terorista.
Sa Iraq kasi ay hawak pa rin ng grupo ang Tal Afar, Hawija at iba pang mga bayan, habang lumipat naman sa iba’t ibang bahagi ng Syria ang mga top operatives nila mula sa Raqqa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.