P1.28 bilyong hindi nakubrang pera ng CCT beneficiaries, inaaksyunan ng DSWD

 

Inquirer file photo

Inaaksyunan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang audit report na sumisita sa mahigit isang bilyong pisong halaga ng conditional cash transfer (CCT) grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na hindi nakuha ng mga benepisyaryo.

Base sa 2016 report sa Official Development Assistance programs, nabatid ng Commission on Audit (COA) na may P1.28 bilyon sa 2.6 milyong accounts ng mga CCT beneficiaries ang hindi na-withdraw mula 30 araw hanggang anim na taon.

Dahil sa nasabing audit report, naisip ng COA na posibleng marami sa mga benepisaryo ng 4Ps ang hindi naman talaga nangangailangan ng pinansyal na ayuda.

Aminado naman si Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo na kabilang ang unclaimed grants sa mga problemang dapat masolusyunan ng clear-cut policy on forfeiture.

Nananatili rin aniyang pagsubok sa kanilang operasyon ang accounts verification na kanila nang nireresolba ngayon.

Nilinaw naman ni Taguiwalo na sa ngayon, ang unwithdrawn na pera ay P1.121 bilyon lamang sa 194,198 na beneficiary accounts.

Inirekomenda ng COA sa DSWD na magsagawa ng validating ng mga status ng mga naturang accounts upang alisin na sa listahan ang mga ineligible beneficiaries.

Read more...