Fil-Am, makukulong ng habambuhay dahil sa naunsyaming terror attack sa US
Pinatawan ng habambuhay na pagkabilanggo ng US court ang isang Filipino-American dahil sa pagpaplano umanong maglunsad ng terror attack sa Amerika.
Kinilala ang suspek na si Justin Sullivan, 21-anyos, residente ng Morganton, North Carolina na una nang naghain ng ‘guilty plea’ noong Nobyembre 2016.
Si Sullivan ang itinuturo ring suspek sa pagpatay sa kanyang kapitbahay na pinagnakawan nito.
Ang perang nakuha ng suspek sa biktima ang siya umanong ipambibili sana ng suspek ng assault rifle na gagamitin nito sa kanyang ISIS-inspired terror attack.
Bahagi ng plano ni Sullivan na mamaril sa mataong lugar tulad ng isang konsyerto o nightclub.
Sa rekord ng hukuman, June 2015 nang makausap ni Sullivan ang isang nagngangalang Junaid Hussain sa pamamagitan ng social media, na isang kilalang miyembro ng Islamic State.
Inatasan umano nito si Sullivan na gumawa ng video ng kanyang gagawing terror attack.
Gayunman, nadiskubre ng ama ng suspek ang plano kaya’t ito mismo ang nagsuplong sa kanyang anak sa mga otoridad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.