Sa pahayag ni CBCP president at Lingayen-Dagupan archbishop Socrates Villegas, umapela sila sa mga nananampalataya na tulungan ang pamahalaan sa muling pagbangon at pagbabalik sa normal ng Marawi City.
Umaasa naman sina Marawi Bishop Edwin dela Peña at Iligan Bishop Elenito Galido na matatapos na ang giyera sa Marawi City.
Nilinaw naman nila na hindi isang religious war ang nagaganap sa Marawi, dahil maraming lumabas na kwento tungkol sa pagtutulungan ng mga Muslim at Kristyano para makaligtas ang isa’t isa.
Anila pa, ngayon mas kailangan ang inter-faith dialogues sa pagitan ng magkakaibang relihiyon upang hindi magamit ang mga ito sa terorismo o extremismo.
Hinihikayat rin nila ang lahat na turuan ang mga kasamahan sa pananampalataya na ang relihiyon ay ginagamit para sa kapayapaan.
Wala anilang relihiyon ang nagtuturo na pumatay sa mga inosenteng tao dahil lang hindi nila ito kapareho ng relihiyon.
Samantala, nanawagan rin ang mga obispo sa publiko na mahalin ang kapwa sa pamamagitan ng pagdarasal sa mga sibilyang bihag pa rin ng mga terorista.
Mariin din nilang kinondena ang ginagawa ng Maute Group na pagtaliwas sa mga “fundamental tenets” ng Islam sa pamamagitan ng pagdukot, pagbihag at pagpatay sa mga inosente.