Ayon kay Dr. Alinader Minalang, head ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), karamihan sa naging sanhi ng pagkamatay ng mga evacuees ay diarrhea, severe dehydration, pneumonia at stroke.
Bukod pa aniya sa tatlumpu’t dalawang nasawi, nakapagtala din sila ng hindi bababa sa 40,000 evacuees na nagkakasakit dahil sa kondisyon sa mga evacuation center.
Marami aniya sa mga evacuess ang nagnanais na makabalik na sa kanilang tirahan para maging maayos na ang tutulugan at kakainan.
Sa 300,000 na inilikas na residente sa Marawi, nasa 30,000 ang nasa evacuation centers habang ang iba naman ay nananatili sa bahay ng kanilang mga kamag-anak sa kalapit na lungsod o bayan.
Samantala, itinanggi naman ni Dr. Minalang ang ulat na mayroong cholera outbreak sa ibang evacuation centers sa lungsod.
Mayroon aniyang siyam na evacuees na nagpositibo sa cholera pero nagawa na nila itong ma-contain.
Sinabi naman ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Mujiv Hataman na kahit pa nabawi na ng militar sa mga terorista ang ibang lugar sa Marawi, ay hindi pa nila pinapayagan na bumalik ang mga residente sa kani-kanilang mga tirahan.