Pag-angkin ng NGCP sa lupa ng SSS sa Pasay City hinarang ng SC

Inquirer file photo

Binaliktad ng Supreme Court ang naging kautusan ng lower court na nagpapahintulot sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na i-take over ng isang lote sa Pasay City na pag-aari ng Social Security System (SSS).

Nag-isyu ng status quo ante order ang Third Division ng Supreme Court kontra sa writ of possession na nauna nang ibinigay sa NGCP ni Pasay City Regional Trial Court Branch 108 Judge Gina Bibat-Palamos noong March 2.

Inutusan din ng Mataas na Hukuman ang NGCP at si Palamos na magkomento sa loob ng sampung araw kaugnay sa naging petisyon ng SSS.

Ikinatuwa naman ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) na siyang kumatawan sa SSS sa kaso ang naging desisyon ng Supreme Court.

Nauna nang sinabi ng SSS na walang karapatan ang NGCP na mayroong 25-year concession sa pamahalaan na tayuan ang mga lupain na pag-aari ng gobyerno.

Sa nasabing lote balak itayo ng NGCP ang Pasay 230kV substation kung saan kanilang sinabi na magiging malaki ang tulong nito sa supply ng kuryente sa Metro Manila.

Idinagdag pa ng SSS na hindi otorisado ang ginawang pagsasampa ng expropriation case ng NGCP para tuluyang magamit ang nasabing lupa pabor sa kanilang interes at lugi umano ang pamahalaan dito.

Ang nasabing lote na may lawak na 60,872-sqm ay may total valuation na P1,460,928,000.

Read more...