Bagaman naibalik na ang suplay ng kuryente sa Cebu City at Mandaue City, patuloy naman ang pagpapatupad ng rotational brownouts dahil sa kapos pa ring kuryente.
Sa abiso ng Visayan Electric Company o VECO, isang oras na rotational brownouts ang ipinatutupad sa barangay sa lungsod.
Apektado ng rotational brownouts ang barangays Ermita, T. Padilla, Kamagayan, San Roque, Tinago, Sto. Nino, Parian, Tejero, at ang North Reclamation Area sa Cebu City.
Sa Mandaue City naman apektado ang barangays Tipolo at Subangdaku.
Samantala, sa pinakahuling abiso naman ng National Grid Corporation, sinimulan na muli ang pagsasagawa ng testing sa kanilang Ormoc Substation.
Kung magiging maayos ang resulta ng testing, magagawang padaluyin ang kuryente gamit ang Tabango-Ormoc bypass line, upang masuplayan ang Samar, Leyte, Biliran at Bohol ng kuryenteng magmumula sa Cebu.
Ang Ormoc-Togonon 138kV Line naman ay nakatakda na ring tumanggap ng kuryente mula sa Tongonan Plant sa sandaling maibalik na ang suplay.