Iraq leader, nagdiwang sa pagkakabawi ng Mosul mula sa ISIS

 

Pinangunahan ni Iraq Prime Minister Haider al-Abadi ang selebrasyon sa bayan ng Mosul, Iraq matapos na tuluyan na itong mabawi ng puwersa ng gobyerno sa kamay ng Islamic State o ISIS.

Suot ang kanyang itim na uniporme, naglakad sa hanay ng mga sundalo si al-Abadi sa Mosul bilang pagpapakita ng kanilang tagumpay laban sa teroristang grupo.

Binati at pinuri rin ni al-Abadi ang mga sundalo sa matagumpay nitong operasyon laban sa ISIS na tumagal ng siyam na buwan sa makasaysayang lungsod.

Sa kasalukuyan, sa isang maliit na bahagi na lamang ng Mosul nagkukubli ang ISIS.

Gayunman, iniingatan ng puwersa ng Iraq ang operasyon laban sa grupo dahil sa paggamit ng human shields at snipers ng mga ito.

Taong 2014 nang pasukin ng ISIS ang makasaysayan at makalumang lungsod ng Mosul at ilan pang bahagi ng northern at central Iraq.

Oktubre ng nakaraang taon, sinimulan ang operasyon upang mabawi ang Mosul mula sa ISIS.

Tinatayang umaabot sa 897,000 katao ang naapektuhan ng gulo sa naturang lungsod at libu-libo ang nasawi sa bakbakan.

Read more...