Nalalabing hippopotamus sa Manila Zoo na si Bertha, pumanaw na
Pumanaw na sa edad na 65 ang isa sa pinakamatatandang residente at natitirang hippopotamus na si Bertha.
Ayon kay James Albert Dichaves na direktor ng Manila Parks and Recreations Bureau, posibleng pumanaw si Bertha dahil sa katandaan dahil wala namang nakitang sakit sa kaniya base sa autopsy.
Base sa obserbasyon ng mga zookeepers na nag-aalaga kay Bertha, hindi na rin maganda ang lagay ng kalusugan nito noong mga nakaraang linggo, at ilang buwan na rin nilang napansin na mas bumagal na ang kilos nito.
Isa si Bertha sa mga unang hayop na dinala at idinisplay sa Manila Zoo mula nang buksan ito noong 1959.
May kasamang lalaking hippopotamus si Bertha noon na nagngangalang Bert, ngunit pumanaw na rin ito ilang taon na ang nakalilipas.
Dumulog naman na sina Dichaves kay Manila Mayor Joseph Estrada para hilingin ang pagbili sa mga karagdagang hayop para sa zoo tulad ng giraffes, zebras at hippopotamus.
Ililibing si Bertha sa isang bakanteng lote sa loob ng zoo, pero oras na mabulok na ang katawan nito ay huhukayin ang mga buto nito upang mai-preserve.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.