Ayon kay Task Force Marawi spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera, ilang mga terorista na ang posibleng nakatakas sa pamamagitan ng pagdaan sa Lake Lanao at mga kadikit na lugar ng Marawi City.
Ito ang sinabi ni Herrera nang tanungin siya kung paanong nangyaring nasa 80 na lang ang natitirang Maute members sa Marawi, gayong tinatayang nasa 700 na terorista ang lumusob doon at 366 lang naman ang huling naitalang bilang ng mga napatay.
Paliwanag ni Herrera, estimate lang naman ang 700, bagaman inamin niyang may mga nakatakas talaga.
Gayunman, nilinaw niya na naging matagumpay lang ang pagtakas ng mga terorista mula sa war zone noong mga unang isa hanggang dalawang linggo ng bakbakan.
May mga ilan din aniyang nagpanggap na sibilyang na-trap sa loob, at mga nag-hamak na tumakas sa pamamagitan ng peace corridors ngunit nasukol din sa pamamagitan ng mas mahigpit na screening.
Hindi na niya nabanggit kung ilan na ang nahuli ng mga otoridad, pero maari aniyang gawing basehan ang dami ng mga armas na inabandona ng mga ito.
Tiniyak din ni Herrera na hindi na makakatakas ang mga kalaban sa Lake Lanao dahil kinordonan na nila ito.