Ayon kay Abapo, tatlo silang magkakasama, kabilang ang kanyang pamangkin nang tangkain nilang languyin ang Agus river papunta sa hanay ng mga militar.
Pero tumagal sila sa tubig dahil binabaril sila ng mga terorista ng Maute group, na ikinamatay ng kanyang kasama habang nawala naman ang kanyang pamangkin sa tubig.
Sa kwento pa ni Abapo, habang nasa tubig sila ay nagawa nilang kainin ang waterlily, habang ito rin ang ginamit nila para makalutang at makapagtago sa mga terorista na bumabaril sa kanila.
Ayon naman kay 1st Infantry Battalion 1st Lt. Yvonne Altamera, alas-otso ng umaga nang nagsagawa ng rescue operations ang mga sundalo hanggang sa makita si Abapo.
Sinigawan nila ito na lumangoy papalapit sa kanila gamit ang isang galon ng tubig para lumutang.
Ginawa ng mga militar ang rescue habang binabaril sila ng mga kalaban, hanggang mailapit nila sa safe zone si Abapo.
Ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan si Abapo at isinasailalim na lamang sa debriefing bago ibalik sa kanyang pamilya.