Sa Tokyo na merong 40M populasyon, maayos ang mga kalye at magaan ang traffic. Sa Seoul na merong 26M populasyon, malinis at maayos ang mga kalye.
Ang EDSA natin may kapasidad na 120,000 private vehicles at 1,500 buses pero dinadaanan ngayon ng 300,000 pribadong kotse at 10,000 bus.
Paano na sa 2022, kung saan ang populasyon natin ay nasa 112M at ang tao sa Metro Manila ay halos 15M? Reklamo pa rin ba tayo sa Traffic sa panahong iyon? Babakbakan ba natin ang gobyerno nina CoryRamosEstrada, GMA, PNoy at Duterte?
Pero, meron ba tayong nagawa para masolusyunan ang problema sa trapiko? Nagsakripisyo ba tayo? Nagbigay ba tayo ng pera sa gobyerno para malutas ito? Wala kundi puro reklamo.
Sa Japan, South Korea, Thailand, walang tigil ang mga bagong lansangan at mass transport systems kahit paiba-iba ang administrasyon. At taumbayan nila ang tumutustos dito.
Importante ang mabilis na “mobility” o pagbiyahe ng empleyado, negosyante at mga produkto para umunlad ang ekonomya.
Kaya naman, natutuwa ako kapag naririnig ang mga planong Los Banos-Tutuban-Clark railway na gagawin ng Japan, ang 25-km Cebu Railway, Central Philippine Rail at ang Mindanao railway mula Davao hanggang Zamboanga rna gagawin lahat ng China.
Dito sa atin, nariyan ang Mega Manila Subway mula QC-Makati-Taguig na popondohan ng Japan, expansion ng LRT sa Antipolo at Cavite at ang common station ng MRT7, MRT3 at LRT1.
Maniwala kayo’t hindi meron pang LINE 4A, isang “railway spur line” papunta ng Makati Business district na gagamitin ang isa nang dating “tunnel”.
Magkakaroon ng din ng bagong kalye na UP-Miriam Ateneo Viaduct para lumuwag ang Katupunan sa C5 at may apat na bagong tulay sa Pasig River, dalawa dito donasyon ng China.
Babawas din ng 25% ang traffic sa Edsa kapag natuloy itong “Santa Monica-Lawton ave bridge” na magkokonekta sa Ortigas business Center at Bonifacio Global city. Ito’y dadaan sa Meralco Avenue sa Ortigas , tatawid ng Pasig hanggang sa Global City.
Napakaraming bagong kalye na magsisilbing kalutasan sa problema ng trapiko na Matindihang pera ang kailangan. Kung hindi ngayon, kailan?
Ambisyoso totoo, pero hihintayin ba nating maging 150M na ang Pilipino? Kapag siksikan na tayo, walang produksyon at matataas ang mga presyo ng bilihin? Kailangan ay tayong lahat ay magbayad dito.
Sa totoo lang, sinisilip ko ang tax reform proposal ng Duterte administration na tututustos sa lahat ng ito. At sa nakikita ko, ito ang magiging kontribusyon natin para sa kinabukasan.
Ayon kay Albay Congressman Joey Salceda, bawat taon ang P170B na kita ng ekonomya na dati ay sa mga mayayamang pamilya, mapupunta na ito at magpapayaman sa Middle class at mga low income households.
Exempted sa buwis ang sumusweldo ng P20,000 bawat buwan samantalang ang mayayaman ay 35% ang buwis. Libre sa VAT ang mga basic commodities , pero 14% sa iba pang mga bilihin. Ang “bitter pill” dito ay ang presyo ng gasoline at diesel, pero kung ibabayad naman sa mga bagong “infrastructure”, bakit naman hindi?