Matatagalan pa bago maibalik ang supply ng kuryente sa ilang mga lugar sa Visayas.
Kasunod ito ng magnitude 6.5 na lindol noong huwebes sa bayan ng Kananga at Ormoc City na naramdaman din sa malaking bahagi ng kabisayaan.
Sa ngayon ay hindi pa naibabalik ang supply ng kuryente sa Bohol, Samar, Biliran, Southern Leyte at iba pang bahagi ng Leyte.
Ikinatwira ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na kinailangan nilang i-shut down ang planta sa Leyte para isailalim sa damage assessment.
Natigil naman ang operasyon ng generating units ng Unified Leyte Geothermal Power na pinatatakbo ng Energy Development Corporation at pinagkukunan ng nasa 600 megawatts ng kuryente ng lalawigan.
Binubuo ito ng 125-MW Upper Mahiao, 232.5-MW Malitbog, 180-MW Mahanagdong at ang 51-MW Optimization plants.
Nag-trip din ang P112.5-MW Palinpinon 1 at ang 60-MW Palinpinon 2 plants na ino-operate din ng Green Core Geothermal Inc. na nasa ilalim din ng EDC.
Hinihintay naman ng NGCP na magbalik-operasyon ang Kananga Switchyard bago magkaroon ng supply ng kuryente ang Ormoc-Tongonan line na siyang pinagkukunan ng kuryente ng probinsya ng Ormoc.
Sa pagtaya ng Department of Energy, maaaring isa hanggang dalawang linggo pa bago maibalik ang serbisyo ng kuryente sa mga naapektuhan ng pagyanig.