Bulgarian ATM fraudster, tinambangan matapos magpyansa sa QCPD

Patay ang isang Bulgarian na lalaki matapos siyang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Pinyahan, Quezon City.

Kinilala ang lalaki na si Orlin Stoev, na kakalaya lamang mula sa Quezon City Police District (QCPD) headquarters sa Camp Karingal matapos maglagak ng pyansa.

Si Stoev ay naaresto noong June 14 dahil sa umano’y ATM skimming.

Nangyari ang insidente sa may stoplight sa Kalayaan street sa naturang barangay, na 10 minutong biyahe lamang ang layo mula sa Camp Karingal.

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar, at posibleng binuntutan na ng mga suspek si Stoev paglabas pa lamang ng headquarters, at binaril siya sa stop light.

Dahil sa mga natamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng ulo at katawan, dead on the spot ang dayuhan.

Bumuo naman na ang QCPD ng special team na mag-iimbestiga sa insidente.

Read more...