WBO bumuo ng 5-man team para pag-aralan ang resulta ng laban ni Pacquiao at Horn
Pumayag na ang World Boxing Organization o WBO na magkaroon ng review tungkol sa welterweight fight ng pambansang kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao at ng Australian boxer Jeff Horn.
Ayon sa pangulo ng WBO na si Francisco “Paco” Varcarcel, pagbibigyan niya ang request ng Games and Amusement Board ng Pilipinas na rebisahin ang naging resulta ng laban ni Pacman at Horn.
Ngunit, aniya, hindi nila babawiin o babaligtarin ang naunang resulta ng laban, kung saan nanalo si Horn sa pamamagitan ng unanimous decision dahil wala silang kapangyarihang gawin ito.
Pagdadagdag pa ni Varcarcel, layunin ng review na mabigyang linaw ang mga boxing fans kung sino talaga ang nanalo sa welterweight fight.
Ayon pa kay Varcarcel, hindi maaaring bawiin ang anumang desisyon ng judge o ng referee, maliban kung mapapatunayang may naganap na fraud o paglabag sa batas sa laban.
Pagsisiguro pa ng WBO official, lahat ng judge at referee na nagpartisipa sa laban ni Pacquiao at Horn ay pawang mga “professional, distinguished, honest, and honorable human beings.”
May five-member panel na binubuo ng mga boxing judges mula sa iba’t ibang bansa na panonoorin ang welterweight fight “without sound distraction” na maaaring makaapekto sa kanilang pagdedesisyon.
Matapos nilang panoorin ang laban ay ilalatag nila ang mga resulta para sa bawat round, gamit ang average scale base sa 60, 80, at 100 porsyento. Ibig sabihin nito ay 3 sa 5 officials ay kailangang magkasundo kung sinong boksingero ang nanalo sa bawat round.
Nagkaroon ng kaparehong review ang WBO noong 2012 para sa laban ni Pacman at Timothy Bradley. Ang naunang desisyon ay si Bradley ang nanalo, ngunit matapos ang review ay idineklarang ang Pinoy boxer ang nagwagi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.