Isinailalim na sa Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ) ang padre de pamilya ng minasaker na magkakaanak sa San Jose Del Monte sa Bulacan.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, iniligay muna nila sa provisional admission si Dexter Carlos upang matiyak ang kaligtasan at seguridad nito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagpaslang sa kanyang asawa, byenan at tatlong anak.
Sinabi ng kalihim na ang pagsasailalim kay Carlos sa WPP ay matapos itong makapasa sa itinatadhana ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act Number 6981 o Witness Protection Program, Security and Benefit Act.
Gayunman, bago umano mabigyan si Carlos ng aktwal na proteksyon, seguridad at benepisyo sa ilalim ng WPP, kinakailangan muna siyang lumagda sa isang Memorandum of Agreement.
Sa ilalim ng batas ukol sa WPP, bukod sa seguridad bibigyan din si Carlos ng tulong pinansyal.
Epektibo ngayong araw ang pagsasailalim kay Carlos sa WPP ito ay matapos siyang makipagpulong kay Sec. Aguirre at sa namumuno ng WPP na si Nerissa Carpio kahapon.