Simula nang maitala ang magnitude 6.5 na lindol Huwebes ng hapon sa Jaro, Leyte, umabot na sa mahigit 250 aftershocks ang naitala ng Phivolcs.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, pasado alas 6:00 ng umaga ay umabot na sa mahigit 250 ang bilang ng naitalang aftershocks.
Normal ayon kay Solidum ang makaramdam pa ng magkakasunod na pagyanig sa Leyte.
Aniya, pwedeng umabot sa hanggang 5.5 ang pinakamalakas na magnitude ng aftershock.
Ani Solidum, ang Leyte segment ng Philippine fault mula Ilocos hanggang Davao Oriental ang gumalaw kahapon.
Taong 1947 nang huling gumalaw ang nasabing fault na ang lakas ay naitala sa magnitude 6.9.
Sinabi ni Solidum na ang nangyari kahapon ay paalala sa publiko na seryosohin ang paghahanda sa lindol.