DND, aminadong hindi nila natantya ang lakas ng Maute Group
Aminado ang Department of Defense (DND) na minaliit lang nila noon ang kakayanan ng teroristang Maute Group na magsagawa ng malawakang pag-atake, tulad ng ginawa nila sa Marawi City.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, minaliit lang nila ito dahil noon naman ay hindi nagtatagal ang mga gingawang panggugulo ng teroristang grupo.
Sa katunayan aniya, nang mabalitaan niya ang pag-atake ng Maute sa Marawi City noong sila ay nasa Moscow pa, nasa isip na niyang aabutin lang ito ng tatlong araw.
Gayunman, nagkamali sila ng tantya na nasa 250 lamang ang mga teroristang nasa lungsod dahil sinabi sa kanila ng isang kapitan ng barangay na nasa 700 na miyembro na ng grupo ang naroon.
Dahil din sa hindi inaasahang lakas ng pwersa ng kalaban, ilang beses nang naurong ang deadline na ibinibigay ng pamahalaan para sa bakbakan na ito.
Ang kakayanan aniya ng teroristang grupo na makipagsabayan pa rin sa bakbakan makalipas ang isang buwan ay isang patunay na talagang pinaghandaan nila ito.
Ani Lorenzana, sa ngayon ay ayaw na muna niyang magbigay ng deadline dahil tatlong beses na itong hindi nasunod kaya nahihiya na siya.
Samantala, nabanggit rin ni Lorenzana na nakatanggap si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga feelers para sa negosasyon mula sa ina ng magkapatid na namumuno sa Maute Group na si Farhana Maute.
Natanggap aniya ng pangulo ang mga ito ilang linggo pa lang ang nakalilipas mula nang sumiklab ang digmaan sa Marawi.
Gayunman, dahil sa dami ng nasawi noong panahong iyon, nanindigan si Pangulong Duterte na hindi siya makikipag-usap sa mga terorista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.