DILG Sec. Mar Roxas sa INC: “Hwag ninyong sakupin ang EDSA”

By Den Macaranas August 29, 2015 - 12:45 PM

Mar EDSA
Inquirer file photo

Nanindigan si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas na dapat ay manatiling bukas sa daloy ng trapiko ang kahabaan ng EDSA sa kabila ng on-going na kilos-protesta sa Mandaluyong City ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC).

Sa katatapos na closed-door meeting sa Camp Crame, sinabi ni Roxas na hindi dapat makompromiso ang dati nang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.

Kasama ni Roxas sa katatapos na pulong sina Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, Quezon City Mayor Herbert Bautista, Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, PNP Chief Director General Ricardo Marquez at National Capital Regional Police Office (NCRPO) Dir. Joel Pagdilao.

Nilinaw ng kalihim na base sa permit-to-rally na inisyu ng Mandaluyong City government, limitado lamang sa Crossing street at Shaw Boulevard ang lugar na dapat pag-dausan ng mga gawain ng INC na tatagal hanggang sa araw ng linggo, August 30.

Hindi kasama sa permit ang pag-okupa sa magkabilang panig ng EDSA, underpass at overpass sa intersection ng EDSA at Shaw Boulevard.

Base sa direktiba ni Roxas sa NCRPO, mananatiling ipatutupad ang maximum tolerance sa hanay ng mga ralyista kasabay ang panawagan na dapat ay sundin din sa kung ano ang nakasaad sa pinag-tibay na permiso ng Mandaluyong City Hall.

Ipinaliwanag din ni Roxas na nakausap nya ang ilang opisyal ng INC at inamin ng mga ito na nagkaroon ng kalituhan sa kanilang hanay kahapon kaya nagtipun-tipon ang mga ito sa ibat ibang mga lugar sa kahabaan ng EDSA mula sa Shaw Blvd. hanggang sa kanto ng Ortigas Avenue.

Sa kanilang panig, tiniyak naman ng pamunuan ng PNP na sapat ang kanilang pwersa para tiyakin ang kapayapaan sa lugar habang isinasagawa ang mga pagkilos ng mga kasapi ng INC.

 

TAGS: Camp Crame, EDSA Rally, INC, roxas, Camp Crame, EDSA Rally, INC, roxas

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.