Sa kaniyang mensahe sa pamamagitan ng twitter, sinabi ng tagapagsalita ng Crisis Management Committee na si Zia Alonto Adiong na hindi tamang gawing basurahan ng mga abusadong pulis ang Marawi City.
Sa halip na ipatapon kung saan, sinabi ni Adiong na dapat ay ipagharap ng kasong administratibo ang mga nagkakamaling pulis.
Tinawag din ni Adiong na “offensive” at pagpapakita ng “Insensitivity” ang ginawa ng PNP na ipadala sa Marawi City sina PO1 Jose Tandog at Chito Enriquez.
“It’s quite offensive to treat us like trashbin for abusive cops. And to use the Marawi Seige as a punishment shows insensitivity,” ayon kay Adiong.
Sina Tandog at Enriquez na kapwa pulis sa Mandaluyong ay nakuhanan ng video na sinasaktan ang kanilang hinuling motorcycle rider.
Nang dumating naman sa Marawi City si PNP Chief Ronald Dela Rosa, Huwebes ng umaga, pinanindigan nito ang pagpapatapon sa dalawang pulis sa Marawi.
Ayon kay Dela Rosa, mabuti ngang naipadala ang dalawa sa Marawi para dagdag pwersa sa mga pulis doon.
Ani Dela Rosa, walang masama sa kaniyang pasya na ipadala sa war zone ang dalawang nagkasalang pulis.
Tuloy pa rin naman aniya ang imbestigasyon sa dalawa habang ang pagsasampa ng kaso sa mga ito ay idaraan sa due process.