Rally ng INC sa EDSA/Shaw may permit mula sa Mandaluyong City Hall

By Den Macaranas August 29, 2015 - 10:20 AM

edsa shaw
Kuha ni Jan Escosio

Nag-isyu na ng Permit-to-Rally ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong para sa kilos-protesta ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo sa intersection ng EDSA at Shaw Boulevard.

Kinumpira ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang nasabing balita kasunod ang pahayag na kahapon na nag-apply ng permit ang INC para sa kilos-protesta na gagawin sa nasabing lugar.

Tatagal ang permit na inisyu ng Mandaluyong City Hall hanggang sa araw ng Linggo, August 30 at limitado lamang sa kanto ng EDSA at Shaw Blvd. ang lugar na dapat sakupin ng kanilang tinaguriang “Evangelical Mission”.

Nauna dito ay inaprubahan ng Manila City Hall ang permit-to-rally para rin sa kahalintulad na gawain ng INC sa Lungsod ng Maynila.

Sakop ng permit na may petsang August 29 hanggang September 4 ang mga pangunahing kalsada sa lungsod ng Maynila na kinabibilangan ng United Nations Avenue, Pedro Gil, at Padre Faura.

Kagabi makaraan ang overnight vigil ay nilisan na rin ng INC members ang harapan ng gusali ng Department of Justice sa Padre Faura at nagpasya sila na dumiretso na ng EDSA.

Makaraang linisin ng mga tauhan ng Manila City Hall ang lugar sa nakalipas na magdamag, kaninang umaga ay binuksan na rin ito sa daloy ng trapiko.

Samantala, hindi naman nag-isyu ng permit-to-rally ang Quezon City government para sa kilos-protesta ng INC sa EDSA Shrine na matatagpuan sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue.

Sa kanyang paliwanag, ipinunto ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na hindi siya nag-isyu ng permit dahil hindi naman daw nag-apply para sa naturang requirement ang pamunuan ng INC sa kanilang ginawang pamamahayag sa EDSA Shrine.

TAGS: EDSA Rally, INC, Mandaluyong, EDSA Rally, INC, Mandaluyong

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.