Duterte kay Sison: Ayaw mo ba ng kapayapaan bago ka mamatay?

Ihinalintulad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bentilador ang pag-iisip ng Communist Party of the Philippines (CPP) dahil sa pabago-bago nitong direksyon.

Dahil dito, hinimok niya ang komunistang grupo na magpakita ng consistency sa kanilang commitment sa isinusulong na usaping pangkapayapaan.

“Are we going to talk or are we going to fight? You are like an electric fan..vaccillating…(turning) right to left, left to right,” ani Duterte.

Kaugnay nito ay tinanong niya si CPP founding chair Jose Maria Sison tungkol sa pananaw niya sa peace talks.

Ani Duterte kay Sison, bagaman hindi naman dying, may malubhang sakit na ang kaniyang dating propesor.

Tanong ni Duterte sa kaniya, hindi ba nanaisin ni Sision na magkaroon na sa wakas ng kapayapaan sa bansa bago pa man siya pumanaw.

“Don’t get angry, Sir, because you were my teacher, but you’re sick. You are not dying but you are seriously sick, wouldn’t) you be happy to see and to die that there is peace in this country before you finally close your eyes?” ani Duterte.

Dagdag pa ni Duterte, parehong dapat magpakita ng sinseridad ang pamahalaan at ang CPP sa peace talks, at tigilan na ang pagbabanta sa isa’t isa.

Aniya pa, sumasama ang kaniyang loob sa tuwing may nakikita siyang patay na sundalo o miyembro ng New People’s Army (NPA) dahil pare-parehong Pilipino naman ang naglalaban.

Samantala, sinabi ni chief government peace negotiator at Labor Sec. Silvestre Bello III na ipagpapatuloy na sa susunod na buwan ang peace talks ng pamahalaan at ng CPP.

Read more...