Isang maliit na private plane ang biglang nawalan ng contact sa mga otoridad sa Indonesia.
Biglang nawala sa radar ang Pilatus Porter PC-6 aircraft habang tumatawid ito sa eastern Papua province na isang mabundok na rehiyon.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng search and rescue mission ang mga otoridad.
Ayon kay Yusuf Latif, tagapagsalita ng search and rescue agency, nasa lima katao ang sakay ng nasabing eroplano.
Pagmamay-ari aniya ang eroplano ng Associated Mission Aviation (AMA), na isang private company na nag-ooperate ng mga biyahe papunta at sa paligid ng Papua.
Matatandaang noong August 2015, isang commercial passenger aircraft na pag-aari ng Indonesian carrier na Trigana, ang bumagsak sa Papua dahil sa masamang panahon.
Nagresulta ito ng pagkakasawi ng aabot sa limampu’t apat na pasahero.