Hinikayat ngayon ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang mga mamababatas mula sa ASEAN member-countries na sumama sa anti-illegal drugs campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 13th meeting ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly Fact Finding Committee o AIFOCOM sa Pasay City, sinabi ni Alvarez na sa pamamagitan ng political will at pagtutulungan ay mawawasak ang illegal drug trade.
Sinabi nito na ang drug trafficking ang nananatiling pangunahing security concern sa ASEAN community at ang rehiyon ang nagiging major shipment hub para sa iligal na droga ng transnational organized crime groups para matugunan ang pangangailangan sa droga sa international market.
Iginiit nito na hindi maaring balewalain ang epekto ng droga sa komunidad lalo na sa pamilya partikular ang mga kabataan.
Bilang mga mambabatas sinabi ni Alvarez na dapat nilang palakasin ang mekanismo para mahinto na ang produksyon, trafficking at pag-abuso sa iligal na droga sa mga bansang kasapi ng ASEAN.
Hinimok din nito ang mga member-states na palakasin ang pagtutulungan lalo na sa law enforcement at criminal justice system upang makamit ang drug- free ASEAN.