Aabot na sa kalahating bilyong pisong cash, alahas, at iba pang mahahalagang gamit ang nakuha ng military mula sa teroristang Maute group sa Marawi City.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesman Brigadier General Restituto Padilla, ito ang dahilan kung kaya ang business district sa Marawi ang inukopa ng maute.
Pinagnakawan aniya ng teroristang grupo ang mga bangko at kinuha ang mga mamahaling alahas ng mga tindahan at ilang mga residente sa lugar.
Samantala, pumalo na sa 461 ang bilang ng mga nasawi dahil sa patuloy na nagaganap na giyera sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute group sa Marawi City.
Ayon kay Padilla, sa naturang bilang, 337 na terorista na ang nasawi habang umakyat naman sa 85 ang nalagas sa hanay ng pamahalaan.
Nanatili naman sa 39 ang bilang ng mga sibilyan na pinatay ng mga terorista.
Ayon kay Padilla, nasa 1,717 na sibilyan na naipit sa bakbakan ang na-rescue na.
Aabot naman sa 410 na matataas na kalibre ng baril ng Maute group ang nasamsam ng militar.