U.S Embassy nilusob ng mga militanteng grupo
Kasabay ng selebrasyon ng Independence Day ng U.S, nagsagawa ang iba’t ibang mga grupo ng isang kilos protesta bilang batikos sa pangingialam ng nasabing bansa sa nagaganap na kaguluhan sa Marawi City.
Isinagawa ang nasabing rally sa tapat ng US Embassy sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Bago pa maka-abante ang mga demonstrador papalapit sa US Embassy ay napigilan naman sila ng nasa 100 miyembro ng civil disturbance management unit ng Manila Police District.
Inaasahan na umano ng Manila Police District na magkakaroon ngayong araw ng kilos protesta kasabay rin ng paggunita sa US-Philippine Friendship Day.
Ang grupong Gabriela Women’s Party at Bayan ang mga nanguna sa nasabing kilos protesta.
Ayon sa statement na inilabas ng Gabriela sa kanilang Facebook page, nais nilang panindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naunang sinabi nito na hindi niya kailangan ang tulong ng Estados Unidos upang masupil ang Maute group sa Marawi City.
Ipinaalala rin ng nasabing grupo ang mga pahayag nito na puputulin na ang mga polisiya at kasunduan kasama ang Estados Unidos kagaya ng EDA, VFA, at Bayanihan exercises.
Anila, one-sided lamang ang mga naturang kasunduan na tanging US lamang ang nakikinabang.
Ayon pa sa grupo, ang nagaganap na war on terror at kasalukuyang martial law sa Mindanao ay pawang mga US-instigated action na ang mga kababaihan at kabataan ang palagiang biktima lalo na’t mayroong mga banta ng harrasment at panghahalay sa mga ito.
Walang naitalang nasaktan sa naganap na kilos protesta na nagsimula kaninang alas-nuebe ng umaga at tumagal ng dalawang oras.
Pagkatapos ng isinagawang rally ng mga grupo sa may ay nagtungo naman sila sa Korte Suprema. /Justinne Punsalang
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.