Deklarasyon ng martial law sa Mindanao, pinaburan ng Korte Suprema

(UPDATE) Pinagtibay ng Korte Suprema ang deklarasyon ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Sa botong 11-3-1, ibinasura ng Mataas na Hukuman ang mga petisyon na humihiling na mabasura ang martial law declaration.

Si Justice Mariano del Castillo ang ponente o sumulat ng desisyon.

Sa desisyon ng SC, 11 ang nagsabing legal ang pagkakadeklara ng martial law sa buong Mindanao.

Tatlo naman sa mga mahistrado ang bumoto para paburan ang petisyon partially at sinabing dapat limitado lamang sa Marawi City ang deklarasyon kabilang dito sina Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Benjamin Caguioa.

Tanging si Associate Justice Marvic Leonen lamang ang nag-iisang dissenter o tumutol sa Martial Law proclamation.

Lahat ng 15 mahistrado ay mayroong isinumiteng kani-kaniyang opinyon sa kanilang desisyon na nakatakdang ilabas ng Korte Suprema bukas.

Samantala, sa statement naman ni Solicitor General Jose Calida, sinabi nito na nagagalak siya sa naging pasya ng mga mahistrado na nagbigay pahintulot kay Pangulong Duterte na gampanan ang kanyang pangunahing mandato na protektahan ang mga Pilipino sa aspekto ng soberenya at territorial integrity ng bansa.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon kontra Martial Law ay sina Albay Representative Edcel Lagman; mga militanteng grupo na BAYAN, Gabriela, ACT Partylist at Kabataan Partylist at apat na residente ng Marawi City.

Ang batas-militar ay idineklara ng pangulo sa Mindanao noong May 24, 2017 nang salakayin ng teroristang Maute group ang Islamic City of Marawi.

Samantala, bago ipalabas ng hukuman ang desisyon ay nagdaos ng kilos-protesta ang iba’t ibang militanteng grupo sa labas ng Korte Suprema para ipanawagan ang pagpapawalang-bisa ng batas-militar.

 

Read more...