US, handang tumulong sa rehabilitasyon ng Marawi

 

Nag-alok na ang Estados Unidos ng tulong para sa rehabilitasyon ng Marawi City oras na mabawi na ito nang tuluyan ng pwersa ng pamahalaan.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, nakapulong niya si US Ambassador to the Philippines Sung Kim noong nakaraan, at doon nito inilatag ang kaniyang alok.

Ani Lorenzana, sinabi ni Kim na kung kailangan ng gobyerno ng tulong ay handa silang pag-usapan ito.

Dahil aniya dito, pag-uusapan pa nila ni Kim kung anong klase ng ayuda ang maibibigay ng Amerika sa pagbangon ng Marawi.

Kahapon lang ay itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lorenzana bilang pinuno ng inter-agency task force na tinawag na “Task Force Bangon Marawi,” na mamumuno sa rehabilitasyon ng lungsod at mga lugar na nakapaligid dito.

Samantala, nilinaw naman ni Lorenzana na ang joint patrols sa Sulu Sea na pinangungunahan ng American littoral combat ship USS Coronado at Philippine Navy ay pagpapatuloy lang ng Maritime Training Activity Sama-Sama sa Cebu.

Read more...