Permit to rally ng Iglesia ni Cristo sa Maynila extended ng isang Linggo-MPD
Pinayagan na manatili sa kahabaan ng Padre Faura ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) hanggang sa Biyernes, September 4.
Ayon kay Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Nana, pinalawig ng Manila City Government ang permit na ibinigay sa mga nagpoprotestang INC members.
Nangako naman aniya ang grupo na magiging payapa ang pagtitipon dahil nagsasagawa lamang naman ng vigil at programa ang mga INC members.
Ang permit ay inihain ni Eraño Codera ng INC, kung saan hinihiling na mapayagan silang magsagawa ng public assembly sa Padre Faura, Pedro Gil at UN Avenue.
Umabot na sa 3,000 ang crowd estimate ng MPD sa mga nagtitipon-tipon sa Padre Faura.
Kanina, nagtungo doon si INC Spokesperson Edwil Zabala at nagsalita sa entablado.
Sa kaniyang talumpati, itinanggi ni Zabala na binu-bully nila si Department of Justice Sec. Leila De Lima.
Ayon kay Zabala, hindi maituturing na pambu-bully kay De Lima ang kanilang ginagawang pagtitipon sa kahabaan ng Padre Faura St. sa Maynila.
Nais lamang umano ng INC na iparating kay De Lima na hindi dapat kitilin ang kanilang kalayaan at hindi dapat pakialaman ang relihiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.