Duterte, nagbantang ipakukulong ang mga kritiko ng martial law
Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapakulong niya ang mga kritiko ng deklarasyon niya ng martial law sa Mindanao.
Sa kaniyang talumpati ilang araw bago ilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito tungkol sa legalidad ng martial law, iginiit ng pangulo na hindi pa rin niya susundin ang sasabihin ng korte.
Kasabay nito ang pangako ni Duterte na makikinig lamang siya sa kung ano ang sasabihin sa kaniya ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ani Duterte, hindi ito nakasalalay sa kung ano ang desisyon ng Korte Suprema dahil kung makita niyang magulo pa rin ang sitwasyon sa Mindanao, ipapaaresto niya ang magsasabi sa kaniyang alisin na ang martial law.
““It’s not dependent on the whim of the Supreme Court. Should I believe them? When I see the situation is still chaotic and you ask me to lift it? I will arrest you and put you behind bars,” ani Duterte.
Dagdag pa ng pangulo, may iba pang maaring pag-usapan at maari rin naman siyang makipag-kompromiso pero hindi niya isasaalang-alang ang interes ng bansa.
Matatandaang ilang kritiko at mga mambabatas ang lumapit sa Korte Suprema para kwestyunin ang legalidad ng idineklarang martial law ni Duterte.
Iprinoklama ng pangulo ang martial law noong March 23 dahil sa nangyayaring gulo sa Marawi City bunsod ng pag-atake ng Maute Group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.