Handa si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Kamara sa umano’y isyu ng maling paggamit ng kaniyang lalawigan sa mga pondong nanggaling sa tobacco excise taxes.
Ito’y matapos sabihin ni Rep. Johnny Pimentel, na pinuno ng House Committee on Good Government and Public Accountability na gagamitin niya ang kaniyang kapangyarihan para patawan ng contempt si Marcos, pati na ang kapatid na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung hindi siya sisipot sa hearing.
Una na kasing naglabas si Bongbong ng pahayag kung saan pinayuhan niya si Imee na huwag pumunta sa pagdinig.
Ayon sa gobernadora, nais niyang makapagpaliwanag sa harap ng Kongreso, pero sinabi aniya ng kaniyang kapatid na si Bongbong na huwag dumalo dahil posible siyang maditine.
Pormal namang naglabas ang House panel ng isang subpoena ad testificandum na may petsang June 25, at sinabi ni Pimentel na ang kailangan lang nila ay sumagot sa mga katanungan si Imee kasabay ng pagtitiyak na hindi ito madiditine.
Sinabi pa ni Imee na nagpadala na siya ng dalawang liham sa komite na humihiling ng paglilinaw kaugnay ng imbitasyon sa kaniya ng Kamara.
Bagaman wala aniya siyang nakuhang tugon mula sa Kamara, tiniyak ng gobernadora na makikipagtulungan pa rin siya alinsunod sa constitutional grounds.
Samantala, pinayuhan naman ni Pimentel si Bongbong na huwag nang makialam sa isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.