28 sugatan sa insidente ng pamamaril sa isang nightclub sa US
Hindi bababa sa dalawampu’t walo ang nasugatan, kung saan dalawa dito ang nasa kritikal na kondisyon, sa insidente ng pamamaril sa isang nightclub sa Arkansas, United States.
Naganap ang insidente sa loob ng Power Ultra Lounge nightclub sa Little Rock, bandang 2:30 ng madaling araw ng Sabado.
Nabatid na sa nasabing bilang, tatlo dito ang nasugatan dahil sa stampede na naganap nang mangyari ang pamamaril.
Tiniyak naman ni Little Rock Mayor Mark Stodola sa publiko na ang nasabing insidente ay hindi isang ‘act of terrrorism’, kundi isa lamang trahedya.
Iginiit din ni Stodola na hindi planadong pamamaril ang insidente.
Nagkaroon aniya ng hindi pagkakasundo sa pagitan ng ilang guests sa nightclub, kung kaya nauwi sa pamamaril.
Sa ngayon ay hindi pa inilalabas ng mga otoridad ang pangalan o iba pang impormasyon ukol sa suspek.
Pero sinabi ni Police Chief Kenton Buckner na isang grupo ang pinigil ng security na makapasok sa nightclub dahil sa dalang baril, pero nagawa pa rin makalusot sa ibang entrance.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.