Binulabog ng terror threat ang Puerto Princesa City, Palawan matapos kumalat ang text messages at pekeng ulat sa social media na nakaamba ang pag-atake ng mga terorista sa lugar.
Ayon kay Dennis Lucas, educational program supervisor ng Department of Education (DepEd) sa lungdod, nabahala ang mga paaralan sa bomb threat dahilan para pauwiin nang maaga ang mga estudyante.
Ngayong linggo, may mga usapan din na sumiklab umano ang bakbakan sa pagitan ng mga terorista at militar sa dakong timog ng Palawan, partikular na sa Balabac at Brooke’s Point. Gayunman, makailang ulit na itong punabulaanan ng mga opisyal.
Pinawi naman ni City Police Director Ronnie Francis Cariaga ang pagkabahala ng publiko matapos ideklara kahapon na normal ang sitwasyon sa Puerto Princesa.
Nauna nang nanawagan ang Western Mindanao Command sa publiko na mag-ingat sa pagkalat ng mga spekulasyon sa social media.