Pagkumpirma ng Department of Labor and Employment, isang buwang pagpapalawig sa amnesty period ang iniutos ng gobyerno ng Saudi na nag-umpisa nuon pang June 25 na petsa ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadan.
Ang impormasyon ay batay na rin sa ulat ni Labor Attache to Riyadh na si Labatt Naser Mustafa.
Dahil sa extension, hindi na muna magpapatupad ng crackdown o paghuli sa mga undocumented na mga dayuhan ang mga otoridad sa Saudi.
Matatandaang, una nang nagpatupad ng 90-day amnesty program ang Saudi Arabia nuong March 29, 2017 para bigyan ng pagkakataon ang mga undocumented na mga dayuhan sa kanilang bansa na makaalis ng Saudi nang walang penalty o multa at para ligal silang makabalik sa Saudi sa hinaharap.
Sa ngayon, nasa kabuuang 5,576 Pilipinong manggagawa na nagtatrabaho sa Saudi Arabia nang walang papeles ang napauwi na ng DOLE sa ilalalim ng amnesty program ng Saudi Government.