Para sa pulisya, hindi pa case closed ang kaso ng pagmasaker sa limang miyembro ng isang pamilya sa San Jose Del Monte, Bulacan kahit naaresto na ang isang suspek na umamin sa krimen.
Ayon kay PNP Region 3 Director Chief Supt. Aaron Aquino, maikukunsiderang solved na ang kaso dahil may naaresto ng suspek na kakasuhan nila ng multiple murder
Pero hindi pa aniya ito tapos dahil marami pa silang gagawin.
Aalamin pa ng pulisya kung may iba pang pangyayari na may kaugnayan sa krimen kaya magsasagawa pa sila ng mas malalim na imbestigasyon.
Inamin ng construction worker na si Carmelino Ibañes na pinatay niya sina Auring Dizon, ang anak nitong si Estrella Dizon at mga apo na sina Donnie, Ella at Dexter.
Pero sinabi ni Aquino na bago iprisinta sa media ang suspek ay nakakaduda na ang mga pahayag nito.
Bago ang krimen ay kasama ni Ibañes ang isang alyas Inggo at alyas Tony na mga kainuman at kasama nito sa pagbatak ng shabu.