9 katao, kabilang ang 5 na may apelyidong Maute, pinigil sa Maguindanao

Pinigil sa checkpoint ng militar sa Sultan Kudarat sa Maguindanao ang siyam na katao, lima sa kanila ay Maute ang apelyido.

Ayon kay Sr. Supt. James Allan Logan, hepe ng ng CIDG sa ARMM, pinipigil ngayon ang siyam na indibidwal, kabilang ang dalawang bata, dahil nakalagay sa identification cards ng lima sa kanila ang apelyidong maute.

Sakay aniya ang siyam ng isang itim na Toyota Innova na may plakang MEX 811 na galing Cotabato City.

Hinarang ang sasakyan sa checkpoint sa Brgy. Macaguiling sa naturang bayan.

Dinala ang mga ito sa CIDG-ARMM office sa Cotabato City kung saan sila sumailalim sa pagtatanong.

Sinabi umano ni Alimatar Guro Maute, Apok Pili Maute, Mohamad Ali Maute at Saida guro Maute sa mga imbestigador na galing sila sa ARMM compound kung saan sila nag-apply ng mga NBI clearance.

May ipinakita aniyang mga resibo ang mga ito na nagpapakita na sa susunod na linggo ang release ng kanilang NBI clearance.

Sa ngayon ay kinukumpirma ng militar ang tunay na pagkakilanlan ng nasabing mga Maute.

 

 

 

 

 

 

Read more...