WATCH: Pamamaril sa isang tricycle driver sa Sampaloc, Maynila, huli sa CCTV

By Cyrille Cupino June 30, 2017 - 09:17 AM

Kuha ni Cyrille Cupino
Sapul sa CCTV ang pamamaril sa isang tricycle driver sa Brgy. 567, Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Angelito Pigao alyas ‘Butchoy’, 38-anyos, nagtatrabaho bilang isang tricycle driver.

Nagtamo ang biktima ng apat na tama ng bala sa dibdib, mukha at leeg na dahilan ng agaran niyang pagkamatay.

Ayon sa Manila Police District Station 4, nakatambay lamang umano sa labas ng isang convenience store ang biktima habang umiinom ng kape.

Makikita sa video na dumating ang dalawang suspect na sakay ng isang motorsiklo, bumaba ang isa, inilabas ang baril saka pinaputukan ang biktima.

Pero kahit nakunan ng video, hindi pa rin matukoy ng mga pulis kung sino ang mga suspect dahil parehong nakasuot ng helmet ang mga ito.

Ayon sa ilang mga nakasaksi, walang plaka ang motorsiklo na ginamit ng mga suspect.

Dagdag pa ng pulisya, dati nang sumuko sa Oplan Tokhang si Pigao, pero hindi pa rin tumigil sa kanyang bisyo.

Narecover sa crime scene ang apat na basyo ng caliber .45.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Manila Police District sa nasabing insidente ng pamamaril.

TAGS: drugs, Oplan Tokhang, Sampaloc Manila, War on drugs, drugs, Oplan Tokhang, Sampaloc Manila, War on drugs

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.