Aabot sa 3,765 na pangalan ang kasama sa narco list na hawak ni pangulong Rodrigo duterte.
Batay sa talaan na nakuha ng Radyo Inquirer, sa naturang bilang 403 ang nakatalaga sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa isang opisyal ng PNP na tumangging magpabanggit ng pangalan, umaabot sa 14 na mga pulis na sangkot sa ilegal na droga ang napatay na.
Nasa 222 ang aktibo pa sa serbisyo habang 44 na ang absent without official leave o awol.
Nasa 37 naman ang nagretiro na sa serbisyo habang nasa 29 na ang nadismiss sa serbisyo.
Tatlo sa mga pulis ang nakakulong habang dalawa ang suspendido.
Sinabi pa ng source na isa ang missing in action habang apat naman sa mga pulis ang malapit nang magretiro.
Aabot naman sa tatlumpu’t walong pangalan na pulis ang walang record o maaring nagpapakilala lamang na mga pulis habang pito ang walang eksaktong pangalan.
Limang pangalan naman na kasama sa narco list ang nagsisilbing ninja cops assets habang tatlong pangalan ang nadoble ang entry.
Sinabi naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos na inaaksyunan na ito ng pnp at nagsasagawa na ng building cases laban sa 403 na police personnel.
Gayunman, sa ngayon, sinabi ni Carlos na tanging ang mga aktibong pulis lamang ang maaring maaksyunan ng PNP.
Matatandaang makailang beses nang iwinawagaygay ni Pangulong Duterte sa mga public engagements ang mga pangalan sa kanyang narco list na kinabibilangan ng ilang mga pulitiko, hukom at mga pulis na sangkot umano sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.