MRT nagpatupad ng limitadong operasyon sa kasagsagan ng rush hour

Maagang naperwisyo ang mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) makaraang magpatupad ng limitadong operasyon.

Alas 5:57 ng umaga nang ipatupad ng MRT ang provisional service nito at mula Shaw Boulevard hanggang Taft Station lamang at pabalik ang biyahe.

Habang walang biyahe mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard Station at pabalik.

Kuha ni Jan Escosio

Ayon kay Engr. Deo Manalo, operations manager ng MRT-3, may nakitang bitak sa riles sa pagitan ng Cubao at Kamuning Stations.

Dahil dito, itinaas ang category 4 sa biyahe ng tren at ipinatupad ang shortened operations para sa kaligtasan ng mga pasahero.

Bunsod ng nasabing aberya, maraming pasahero sa North Avenue Station ang bumaba na lamang at sumakay ng bus.

Makalipas ang halos isang oras o 6:47 ng umaga nang maibalik rin sa normal ang operasyon ng MRT.

 

 

Read more...