5 sa 17 bangkay na narekober sa Marawi, walang ulo
Limang bangkay ng mga sibilyan na walang ulo ang narekober ng otoridad kahapon sa Barangay Gadungan sa Marawi City.
Kabilang ang lima sa 17 katawan na narekober ng pinagsamang pwersa ng mga pulis, sundalo at civilian volunteers na pumasok sa barangay matapos itong mabawi ng tropa ng pamahalaan.
Ayon kay 1st Infantry Division spokesman Lt. Col. Jo-Ar Herrera, ito ang unang ebidensyang kanilang nakalap na mayroon nga talagang mga pinugutan ang mga teroristang Maute at Abu Sayyaf Group sa kasagsagan ng mahigit isang buwan na bakbakan sa Marawi.
Ani Herrera, natagpuan ang mga bangkay ng mga sibilyang walang habas na pinatay ng mga terorista, sa dalawang magkahiwalay na lugar sa barangay.
Ngunit ayon sa civilian rescue worker na si Abdul Azis Lomondot, wala silang nakitang patunay na pinugutan nga ang mga ito dahil nasa “advanced stage of decomposition” o nabubulok na ang mga ito.
Ayon naman kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr., malamang na marami pang sibilyan ang nasawi kapag natapos na ang validation nila ng mga impormasyon.
Batay naman sa tantya ng mga lokal na opisyal, aabot pa sa 500 residente ang nananatiling trapped sa conflict zone sa Marawi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.