Ex-US Pres. Obama at pamilya, nasa Indonesia para magbakasyon

 

Mula sa Reuters

Mula sa limang araw na bakasyon sa Bali, tumungo naman na sa Yogyakarta, Indonesia si dating US President Barack Obama kasama ang kaniyang pamilya.

Ayon kay Indonesian air base commander Air Vice Marshal Novyan Samyoga, dumating si Obama kasama ang misis na si Michele at mga anak na sina Malia at Sasha sakay ng isang private jet sa military airport ng lungsod.

Pagkatapos nito ay bumiyahe ang pamilya Obama patungo sa isang luxury hotel sa Yogyakarta.

Ani Samyoga, wala namang special requests ang Secret Service agents para sa pamilya Obama noong sila ay nasa main Java island, pero nasa 650 na Indonesian security forces ang ipinakalat para tiyakin ang seguridad ng pamilya sa Yogyakarta.

Sa naturang ancient city namalagi ang ina ni Obama na si Ann Dunham para sa kaniyang anthropological research.

Nang mag-divorce naman ang kaniyang ama’t ina noong siya ay anim na taon, nag-asawa ng Indonesian ang ina ni Obama kaya namalagi rin siya doon ng apat na taon.

Bumalik si Obama sa Hawaii noong sampung taong gulang na siya at nanirahan na lang kasama ang kaniyang mga lolo at lola.

Samantala, inimbitahan rin ni President Joko Widodo ang mga Obama na bumisita sa Bogor Palace habang sila ay nasa Indonesia.

Read more...