Pilipinas, nasa Tier 1 ranking pa rin sa Trafficking in Persons report
Napanatili ng Pilipinas ang Tier 1 ranking sa US State Department sa pinakahuli nitong Trafficking in Persons (TIP) report.
Base sa June 2017 TIP report, patuloy na nakakatugon ang gobyerno ng Pilipinas sa minimum standards para masawata ang human trafficking.
Nakasaad din dito na patuloy na nagsasagawa ng mga seryosong hakbang laban sa human trafficking sa loob ng reporting period, kaya nanatili ito sa Tier 1.
Ito ay sumasalamin sa mas maraming nahahatulan at napaparusahang human traffickers, at natutukoy na rin ng pamahalaan ang mas marami pang mga biktima sa pamamagitan ng “proactive screening procedures.”
Mas pinalalawig rin ng gobyerno ang mga hakbang para matiyak na mas maiiwasan na ang trafficking ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Gayunman, lumalabas din sa report na nabigo ang gobyerno na magbigay ng mas mabuting proteksyon para sa mga biktima ng trafficking tulad ng mental health care at services para sa mga lalaking biktima.
Sinabi rin dito na nabigo ang pamahalaan na masinsinang imbestigahan at parusahan ang mga opisyal na hinihinalang nasasangkot sa trafficking, at hindi rin nasolusyunan ang backlog ng mga kaso ng trafficking sa mga korte.
Samantala, nanatili naman sa Tier 2 ang Thailand, dahil ayon kay US Secretary of State Rex Tillerson, nananatiling pinagmumulan, destinasyon at daanan ng mga biktima ng human trafficking ang bansa.
Bumagsak naman sa pinakamababa o Tier 3 ranking ang China, na kabilang sa mga pinakamatinding lumalabag sa human trafficking kasama ang Russia, Syria at Iran.
Ibig sabihin nito ay hindi talaga nakakatugon ang mga nasabing bansa sa minimum standards ng pagsugpo sa human trafficking at wala ring pagpupursige na ito ay masolusyunan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.