DTI itinanggi ang overprice na presyo ng bigas sa Mindanao

Inquirer file photo

Mariing itinanggi ng Department of Trade and Industry o DTI ang mga lumabas na ulat ukol sa umano’y overpricing ng bigas sa ilang parte ng Mindanao dahil sa giyera sa Marawi City.

Sa briefing sa Malacañang, tahasang sinabi ni DTI Sec. Ramon Lopez na walang katotohanan ang mga report na umakyat sa P5,000 ang kada kaban ng bigas na dapat ay nasa P2,000 lamang ang bentahan.

Ayon kay Lopez, personal siyang nag-ikot sa ilang kalapit bayan ng Marawi City subalit wala naman daw overpricing sa presyo ng bigas.

Aniya, sinusunod ng mga negosyante at tindero ang suggested retail price o SRP bukod pa sa may umiiral na price freeze dahil sa ipinatutupad na Martial Law sa Mindanao region.

Dagdag ng kalihim, mayroong available doon na NFA rice na nagkakahalaga ng P27.00, habang nasa P39.00 hanggang P50.00 naman ang presyo ng kada kilo ng premium rice.

Sinabi ni Lopez, nangako ang National Food Authority o NFA na magdadala ng karagdagang suplay ng bigas sakaling kailanganin.

Read more...