Resolusyon para sa mga tropa ng gobyerno sa Marawi siege inihain sa Senado
Dapat umanong bigyan ng pagkilala ng Senado ang kabayanihan ng mga sundalo at pulis na lumalaban sa mga terorista sa Marawi City.
Sa ihinain Senate Resolution 411, iginiit ni Sen. Leila de Lima na bilang isang institusyon, dapat kilalanin ng Senado ang mga miyembro ng AFP at PNP na nasawi sa pakikipaglaban sa teroristang Maute group.
Saludo ang senadora sa katapangan ng mga sundalo at pulis kung kaya dapat bigyan ng pagtatangi ang kabayanihan ng mga nagsakripisyo ng kanilang buhay upang matiyak ang kaligtasan ng bansa.
Idinagdag pa ni de Lima na dapat ibigay ng buong bansa ang pinakamataas na respeto sa tropa ng gobyerno na inuna ang kapakanan ng sambayanan at hindi ang sarili.
Sa pinakahuling tala ng pamahalaan ay umaabot na sa 70 ang bilang ng mga napapatay na sundalo at mga pulis dulo’t ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Marawi City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.