Pinaninindigan ng Malacañang ang polisiyang hindi makikipag-negosasyon ang pamahalaan sa mga terorista.
Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella kaugnay sa umano’y alok ng ISIS-Maute terror group na “palit-ulo” o palalayain ang kanilang mga bihag kasama na si Fr. Chito Suganob, kapalit ang pagpapalaya sa mga miyembro ng pamilya Maute na naaresto ng mga otoridad kamakailan.
Napaulat din na may ipinadalang emisaryo ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP upang masagip ang mga sibilyang naiipit sa Marawi City habang ipinatutupad ang walong-oras na humanitarian pause noong araw ng Linggo.
Sa briefing sa Palasyo, sinabi ni Abella na hindi nila sanction o wala silang basbas sa anumang negosasyon sa naturang teroristang grupo upang mapalaya ang mga bihag.
Giit ni Abella, nananatili ang “no negotiation policy” ng gobyerno sa ISIS-Maute terror group man o anumang teroristang grupo.
Aniya, ang polisya ay polisya na ipatutupad ng gobyerno at Armed Forces of the Philippines.
Samantala, sa ibinigay na update ni Abella ukol sa sitwasyon sa Marawi City, as of 7PM ng June 26 ay umabot na sa 27 ang mga sibilyang nasawi; 290 na miyembro ng grupong Maute ang napaslang at 70 mula sa tropa ng pamahalaan ang nalagas.